Friday, April 15, 2011

MACATBONG TUTOL SA BASURANG NAKAKUBLI SA LIKOD NG ORGANIC FERTILIZER PROJECT!

Maliit ngunit ganap na nabiyayaan, ang Barangay Macatbong ay maaring ituring na isa sa mga huling hanggahan dito sa lalawigan ng Nueva Ecija. Sa silangan ang mga gulod ng Calanutan at ang bulubundukin ng Sierra Madre ay tanaw at waring nagsisilbing mga piping saksi sa unti-unti at malungkot na  pagkasira ng ating mga yamang bundok. Isang maliit na ilog ang dumadaloy sa payak na barangay na ito at dumidilig sa mga katabing luntiang gulayan na pinag-aanihan ng sitaw, talong, kamatis, okra, ampalaya, petsay, at kung anu-ano pang mga pampalusog na luntian. Sa buhay na ilog naman ay nakakahuli ng karpa, tilapia, hito, bulig, lukaok, gurami, suso, at iba pa. Kung minsan may mga pagong din na matatagpuan dito. Sa pampang malapit sa kawayanan ay namumulaklak ang mga pungapong, isang uri ng halaman na lingid sa kaalaman ng marami ay isa sa mga nanganganib na maipagmamalaking halaman na katutubo dito sa Macatbong.
Sariwang hangin at dalisay na tubig ang dalawa sa pinakamahalagang likas na biyaya na ipinagpapasalamat ng mga taga Macatbong. Bukod dito ay kapansin-pansin ang maraming punongkahoy at mga palayan na nagbibigay ng kaayaayang kulay luntian sa kapaligiran. Ang mga prutas na tulad ng mangga, kaimito, langka, kamatsile, sineguelas, duhat, chico, atis, at iba pa ay ilan lamang sa maraming bungangkahoy na dito.
Higit sa lahat ang pinakamahalagang bahagi ng barangay Macatbong ay ang kaninaani yang mga mamamayan na may pagpapahalaga sa Diyos, sa pamilya, sa Inang Kalikasan, sa paggawa, sa edukasyon, at sa pamayanan. Ang Macatbong ay dumaan na sa maraming pagsubok na dulot ng tao at ng kalikasan at bawat isa sa mga pagsubok na ito ay napagtagumpayan ng mga maka-Diyos na mamamayan ng barangay na ito.
Subalit maraming panganib ang nagbabantang puminsala sa kalusugan at katahimikan dito sa Macatbong. Ang mga suliranin na dala ng makabagong pamumuhay – tulad ng polusyon ng hangin at tubig at ang pagkasira ng mga ilog, mga mahahalagang bahagi ng isang malusog at nakaririwasang pamayanan, ay hindi lingid sa isipan ng mga taga rito at lubos na pinahahalagahan at inihahanap ng kalutasan.
Ayaw naming magkaroon ng lason ang hangin na pumapasok sa aming mga baga at ang tubig naming iniinom. Higit sa lahat kaisa kami sa Alma-Ata Declaration na nagbibigay ng pangunahing kahalagahan sa kalusugan ng mamamayan at sa aktibong pakikilahok at pakikialam ng mga mamamayan sa anumang bagay na maaaring maka-apekto sa kalusugan.
Tutol kami sa anu mang bagay na maaaring makapinsala sa aming malusog na kapaligiran – sa anu mang bagay o gawain na magdudulot ng polusyon sa hangin at sa tubig at sa mga pananim na may maselang pamumulaklak. Higit sa lahat ipagtatanggol namin ang pinakamahalagang karapatang pantao – ang karapatan sa kalusugan.
Kaisa kami sa mga adhikain at gawaing pangkalikasan nila Henry David Thoreau, Odette Alcantara, John Muir, Chico Mendez, Leonard Co, Von Hernandez, Rachel Carson, Jose Rizal, Jane Goodall, Julia Butterfly Hill, at marami pang mga bayani na nagmamahal sa Inang Kalikasan.

© Raul E. Ramos, BS, MD, MEd, RN
   Barangay Macatbong
   Cabanatuan City

Silent Beauty, Macatbong

Silent Beauty, Macatbong
The pond is teeming with freshwater fish. The trees in the background are home to brightly colored avians and occasional migratory birds. Ramos Pond is Eden revisited !